
“Lagi’t lagi, para sa bayan.”
Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng nangangarap?
Ito ba’y isang simpleng hangarin o isang nagliliyab na pagnanais na higit pa sa lahat ng bagay?
Ako, isang estudyanteng tila alikabok sa gitna ng malawak na mundo, nangangarap ng isang bagay na tila imposibleng maabot. Isang pangarap na mistulang bituin sa kalangitan, maliwanag, kaakit-akit, ngunit kay hirap abutin ng isang tulad kong baon lang ay pangarap at pagmamahal sa bayan.
Bawat hakbang ay sinasalubong ng takot. Bawat oras ay tinatanong ko ang sarili, “Makapapasok ba ako sa unibersidad na minsan lang madama ng mga tulad ko?”
Sa likod ng mga pangarap ay nagtatago ang mga tanong na tila mga anino.
May lugar ba para sa akin?
Kakayanin ko ba?
Karapat-dapat ba akong mangarap?
Sa murang edad, natutunan ko nang mahalin ang bayang pinagpala ng kasaysayan, kahit na ang mga sugat nito ay pinapawi ng mapang-aping sistema. Matagal nang nakaukit sa puso ko ang layuning gumanti ng kabutihan, upang kahit paano’y mabago ang kapalaran ng aking minamahal na bayan.
Nakatatakot isipin na maaaring hindi ako makapag-aral sa unibersidad na matagal ko nang pinapangarap. Na sa halip na maging bahagi ng kalayaang ito, baka mapag-iwanan ako ng pagkakataon. Nakatatakot ding isipin na wala akong kasiguraduhan sa hinaharap, kung saan ba ako dadalhin ng mga hakbang ko.
Ngunit sa bawat pagkakataong naglalakad ako sa mga pasilyo ng unibersidad na ito, pinanghahawakan ko ang pangakong binitawan sa sarili. Babalik ako, hindi bilang bisita, kundi bilang isang iskolar. Balang araw, matatawag ko ring akin ang lugar na ito, isang tahanan para sa mga nangangarap, para sa mga may malasakit sa bayan.
Sino nga bang hindi maiibig ang sintang unibersidad na ito?
Sa bawat sulok, sa bawat anino ng mga puno, ay may mga kwentong nagsisilbing ilaw sa mga susunod na henerasyon. Dito, bawat hakbang ay isang pagsalubong sa pag-asa, bawat pagsubok ay isang hamon na dapat lampasan. Ang bawat kwento ng tagumpay ay nag-iiwan ng bakas sa kasaysayan ng unibersidad na ito.
Mahirap man abutin ang pangarap, alam kong darating ang araw na ito’y magiging totoo. Hindi ako magsasawang mangarap, magsikap, at maniwala. Dahil alam kong balang araw, makikita ko ang sarili ko, nagpapahinga sa ilalim ng mga puno ng Sunken Garden, nagmamadali sa UP Ikot, o nakatayo sa entablado, suot ang sablay, nakangiti habang inililipat ito sa kabilang balikat. Sa wakas, magiging ganap na ako, isang iskolar ng bayan, isang tagapagtanggol ng mga adhikaing para sa bayan.
Matagal pa kitang mamahalin, UP. Hinding-hindi kita bibitawan. Lagi’t lagi, ipaglalaban kita — dahil para sa’yo, para sa bayan, hindi matatapos ang aking pangarap.