
Hindi ba parang ang hirap ipaliwanag ng isang bagay na malalim ngunit tila walang konkretong dahilan?
May iba’t ibang depinisyon ang pagmamahal , mga paraan, anyo, at uri. Pero kapag ako ang tinanong kung bakit kita gusto, tila lahat ng salita ay nagtatago sa dilim. Wala. Walang dahilan.
Gusto kita kasi… ewan ko. Bigla ko na lang naramdaman. Parang hangin na dahan-dahang pumasok sa puso, hindi ko na alam kung paano ito nagsimula o kung bakit bigla na lang hindi ka mawaglit sa isip ko.
Maaaring sobrang daming dahilan, pero bawat isa’y nawawala sa dulo ng dila ko. Hindi ko na mabanggit ang mga maliliit na bagay na nagpabagsak sa puso ko, yung mga ngiti mo na tila liwanag sa dilim, yung bawat sulyap na tila nagpapabagal ng oras. Lahat ng mga iyon, parang mga bulong sa gabi na unti-unting bumubuo ng isang malalim na damdamin.
O baka nga naman wala talagang dahilan. Siguro gusto kita dahil ikaw ‘yan. Wala nang iba. Walang katulad. Hindi ko kailangan ng paliwanag, dahil sapat na na ikaw ay ikaw, at sa bawat anyo, sa bawat pagkakataon, sa bawat pagbabagong dala ng panahon, gusto kita.
Sa bawat oras at sa bawat araw, ikaw ang laging nasa puso ko. Pero walang dahilan.
Ewan ko ba, gusto kita kasi wala lang. Pero sa “wala lang” na iyon, nandiyan ang lahat, ang lahat ng damdaming mas malalim pa sa kaya kong sabihin, mas matindi pa sa kaya kong ipaliwanag.